EMB-Quezon: Mga kandidatong opisyal, hindi dapat pabayaan ang kapaligiran ngayong panahon ng kampanya

on . Posted in Latest News

 

QUEZON, Abril 16 (PBS) - Kahit abala sa pangangampanya, hindi dapat kalimutan ng mga kandidatong lokal na opisyal ang pagtiyak sa kalinisan ng kapaligiran at pagtalima sa mga environmental law.

Ito ang binigyang-diin ni Gliceria S. Verzo, hepe ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Quezon, sa panayam ng Radyo ng Bayan Lucena kanina.

Ayon kay Verzo, personal niyang naobserbahan ang ilang re-eleksionistang opisyal sa lalawigan na hindi regular namomonitor ang dumpsite, at iba pang posibleng pagmulan ng polusyon sa hangin at tubig sa kanilang nasasakupang lugar.

Kahit aniya abala sa kampanya, hindi pa rin dapat pabayaan ng mga local chief executive ang compliance sa mga batas pangkalikasan gaya ng Clean Air Act, Clean Water Act, at Ecological Solid Waste Management Act.

Samantala, nagpahayag naman ng katuwaan si Verzo sa pakikiisa ng mga pulitiko sa Quezon sa Basura-Free Election Campaign ng Dept. of Environment and Natural Resources.

Kapansin-pansin aniya na hindi gaanong makalat ngayon sa mga campaign sorties at kakaunti rin ang mga election materials na ipinapako o ikinakabit sa mga puno. (PBS-Media ng Bayan)

Hatol ng Bayan Videos